Isang Paalala, sa ATIN, KASAMA
May 2, 2007
O bakit ka yuyuko yuko? Tatago tago?
Na kala mo’y takot sa bawat taong nakapalibot.
Tigasin ka, diba? Diyosa, kamo?
Ngayon, ba’t di ka makatingin ng direcho?
Ng mata sa mata?
Bakit balisa ka’t pinagpapawisan?
Bakit tulirong pinagmamasdan ang kapaligiran?
Bakit kay bilis singhutin ng sigarilyong tangan-tangan?
Intelektuwal ka diba? Rasyunal?
Pero asan na ang Gabrielang aking nakilala?
Yung minsan ay naging mapangahas sa paghusga,
sa kung ano ang tama at sino ang
mali.
Yung minsan ay malakas ang loob sa pagtuligsa sa mga walang puso.
Sa mga lumalabag sa mga karapatan ko
Sa mga, sabi mo’y, hindi tao kundi bato.
Asan na ang magaling mag-isip?
Asan na ang mahusay magsambit
Ng libro at kataga
Para ipamukha ang kakulangang nagawa.
Matapang ka nga ba talaga o nagtatapang-tapangan lang?
Matalino ka nga ba o isip ri’y dinidiktahan
Ng mga prinsipyong ikaw mismo ay di naintindihan.
Lansangan ang tahanan
Masa ang kandungan
Pero asan ang katas ng salitang binibitawan?
Sabi mo’y papandayin natin ang marupok na kahapon
Ikaw sa papel, ako sa gawa.
Pero mga naisulat ay salat sa pag unawa
Mga nagawa’y di rin umaakma.
Kung ikaw mismo, sa harap ng masang inaahon mo,
Yuyuko, tatago-tago
Kaya ika’y aking tinatanong.
Bakit kailangang umiwas?
Bakit hinahanapan ng butas?
Sa mga taong minsan ay naging ikaw?
Ang mga isipan na sa tunay na pag-aaral ng buhay ay hilaw na hilaw?
tindera ng kaligayahan
May 2, 2007
‘Manang, pabili nga po ng isang dangkal ng kaligayahan’…
Minsan, naiisip ko, kung pupuwede lang bilhin ang kaligahayan, matagal ko nang isinanla ang kung ano ang meron ako. Yung kaligayahang permanente. Hindi aliw, galak o tuwa. Kaligayahan. At ang apat na ito ay magkakaiba. Kung may pagkakapareho man, yan yung salitang saya na nakakahon sa bawat kataga. Pero ang pangalan nila, magkaibang-magkaiba.
Gaya na lamang ng pagkakaiba ng pangalan ng mga magkakapatid sa iisang pamilya para matukoy ang panganay sa pangalawa, ng dalawa sa pangatlo o sa bunso kung wala nang susunod pa.
Madaming bagay ang nakapagbibigay sa akin ng aliw. Panandalian. Naaaliw ako. Ibig sabihin, nawiwili. Naaaliw ako sa ulan at dilaw na paruparo. Naaaliw ako sa hitsura ng stuff toy sa bahay ng isang kakilala (kangaroo na may anak na koala) at kulay ng itlog pula. Naaaliw ako sa black gulaman at sa mga ibong nababangga sa pintuan ng opisina naming. Sa lenguwahe ng mga bakla, pagkakahawig ng unggoy sa tao o ng tao sa unggoy, ang pagkakaiba at pagkakapareho ng bawat kulay na may iba’t ibang pangalan gaya na lamang ng blue, sky blue, aquamarine, light blue, etc., sa husay ng mga gumagaya ng sayaw ni Michael Jackson. Ang lahat ng mga nabanggit at mas marami pa ay nakapagbibigay aliw sa akin. Yung tipong kapag unang nakita o minsanang napapansin ay napapangiti ka ng palihim, at kung minsan naman ay nakikisabay sa tawa ng iba. Pero ang pagkamangha ay hanggang dun lang. At kung di mo na masilayan ang mga nakapagbibigay ng aliw, wala nang kahulugan ang salitang aliw.
Nagagalak din naman ako paminsan-minsan. Kung ako ang magbibgay ng kahulugan sa salitang galak, para bang may kung anong boses ang bumubulong sa isip kong may bahid ito ng kabaitan. Galak. Salitang saya na may kadugtong pa na pangalan o pwede ring humalili dito kung di ka rin naman talaga masaya. Respeto. Yung tipong kahit hindi ka naman talaga masaya, nagagalak ka. Ang labo no? pero minsan naiisip kong ginawa ang katagang ito upang itago ang tunay na nasasaloob ng isang tao kung kinakailangan niyang ipakita sa iba na masaya siya. Nagagalak po akong makilala ka. Pero ang totoo, masaya ka nga bang nakilala mo ang nanay ng boypren mo? O kung ikaw ang nanay, maligaya ka nga bang nakita ang gerlpren ng unico iho mo? Minsan nga din, iniisip ko, pambati nga lang talaga ang gamit ng katagang galak.
Iba rin yung tuwa. Medyo mas nanaisin ko ang salitang tuwa sa dalawang nabanggit sa dalawa. Kasi pakiramdamdam ko, mas may kabig ang salitang ito. Mas may laman. Mas may damdamin. Pero yun din yun. Niloloko ko lang ang sarili ko kung sasabihin kong mas mabigat ito. Dahil di rin naman. oo nga. Panloloko sa sarili. Na kung tutuusin, parehong pareho lang din ang ibig sabihin nito sa salitang aliw. Natutuwa ako sa tuwing nakakasama ko ang mga taong malapit sa akin at matagal kong nang di nakita. Pero dapat di araw-araw para manamnaman ang salitang tuwa. Kapag inulit pa at inulit pa, iba na ang kahulugan ng nararamdaman. Bored o as usual o pakikisama. Pero di ka na natutuwa. Natutuwa ako sa tuwing bumibiyahe sa ibang lugar. Halos abot langit ang tuwa ko nung una kaming nagfield trip sa crop sci naming. Nilibot naming ang region X at XI ng
Mindanao. Pero nung sumunod na semester, di na ako masyadong natuwa nung ibinalita sa amin sa animal sci na dun din kami pupunta. Magkaiba. Yung tuwa, katulad ng una kang makarining ng joke. Tuwang tuwa ka sa unang beses mong marinig ito. Kulang na nga lang ay tatambling ka sa tuwa. (di ko pa nga masyadong naiintindihan yung mga taong naluluha sa tuwa, pero panibagong pagsusulat na naman yun). Pero sa pangalawang beses mong maririnig ito, di ka na tatawa ng katulad ng pagtawa mo sa una. Pwedeng mas mahaba at malakas o pwedeng ring di ka na talaga tatawa pa.
Sa lahat ng mga nabanggit, maliban sa napapangiti ka, lahat ng ito’y puro panandalian. Momentous. Sa ngayon, pwede kang maaliw, magalak at matuwa sa mga nakikita o naririnig mo. Sa susunod na Segundo, wala na.
At ni isa man sa mga ito di makakatumbas sa salitang kaligayan. Dahil wala rin naman talagang ganito. Walang tao na maligaya pero marami ang masaya.
Dahil ang kaligayahan hanapin mo man kung saan, di rin pangmatagalan. At sa kalaunan, matatawag mo rin ba itong kaligayahan? Ako, hinde. Naging masaya lang ako ng mga panahong iyon pero hindi maligaya.
At sa paghahanap natin ng kaligayahan, ang dami nating isinakripisyo, ibinenta, para may pambili ng di natin napagtatantong kasiyahan lang pala. Sa tuwing iinom ka, kakain ng isang kahon ng tsokolate, makatanggap ng rosas at higanteng bear hugs, maligaya ka ba? Hinde. Masaya ka lang.
Kaya’t ang mahal mahal ng kaligayahan. Katumbas nito ay ang lahat ng sa iyo. Dahil kung tunay ka nang maligaya, wala nang matitira sa iyo. Ipamimigay mo ito sa mga taong naghahanap nito. Sapat ka na dahil maligaya ka na at wala ka nang hahanapin pa.
Ngayon, may tao nga bang maligaya? Sa tingin ko wala.
Kaya nga pati yung palabas sa sinehan, pursuit of happiness ang pamagat. Hindi happiness lang. Dahil wala nga nito. Pilit hinahanap pero di matagpuan.
Sana may tindera ng kaligayahan ano?